18 Years Ago

Mula sa loob ng Tritran bus na sinasakyan ko, una kong nakita ang paanan ng Mt. Makiling. Tanda ko pa na nagulat ako dahil buong akala ko asul ang mga bundok - berde pala. Nakakatawa. Hindi ko inakalang mapapadpad ako sa lugar kung saan ko sisimulan ang mga pangarap ko. Dito ko rin itinapon lahat ng mga pangarap na ito. Pero mamaya na yan. Mamaya na ang kuwento tungkol dyan.

Mula sa bus, nakita ko kung paanong magpa-ikot ikot ang daan, paakyat, pababa, na akala mo roller coaster. Natanaw ko din ang walang katapusang signages ng mga resorts for rent, private pool, hotspring, at mga kung anu-anong kiyemeng pang hila ng customer. Ang pinaka-memorable sight na natatandaan ko sa unang biyahe ko dito ay ang mga batang lumalangoy sa may ilalim ng tulay, sa gilid ng daan. Ang saya lang, ibang iba sa inaasahan ko.

Yupi Elbi. Kasama ko ang nanay ko sa unang araw ko dito. Fast forward to 5 years later, tatay ko naman ang sumundo nung huling araw ko dito. How appropriate, hahaha. Ilang taon ko ding isinantabi na magsulat tungkol sa Yupi Elbi at sa naging buhay ko dito. Hindi dahil umiiwas ako o tinatakasan ang lahat ng nangyari. Sa totoo lang, natakot ako. Natakot akong hindi ko maisulat ng tama, ng maganda, ang isa sa mga pinakamagandang nangyari sa buhay ko. Pero ngayon, alas-tres ng umaga, makalipas ang 18 years, eto ako't parang nabuhusan ng malamig na tubig at handa nang magkuwento.

Halika, samahan mo ako sa memory lane. Minsan, tatawa tayo, minsan iiyak. Siguro kadalasan, mapapatunganga at mangingiti. Yun bang akala mo andun ka sa nakaraan pero maalala mo ang tagal na pala nun?

18 years. Hindi biro ang tagal. Pero parang ang bilis pa din. Masanay ka na sa akin. Minsan magulo ako magkuwento.

Taralets!

No comments:

Post a Comment