Ang Swimming sa UPCO

Manipis lang ang naging pagitan ng mga taon sa buong anim na taon ko sa kolehiyo. Dumaan ang maraming bakasyon na halos hindi ko namamalayan dahil sa totoo lang, mas nag-eenjoy ako pag me pasok. Although hindi naman talaga ako pumapasok. Pero mamaya ko na ikukuwento yan. Naalala ko lang bigla yung huling summer ko sa Elbi. Hindi ako umuwi sa probinsya namin noon. Nag-stay ako sa campus, sinabing magsu-summer classes, pero ang totoo, ayoko lang muna talaga umuwi sa amin.

Summer of ’01. Ang cool lang pakinggan, kala mo title ng kanta. Pero sa totoo lang, ang init ng summer na yun. Ibang klase. Yun bang kahit di ka gumagalaw, wala ka na lang ibang naiisip kundi magbuhos ng isang baldeng ice tubig? Yung tipong kesa pulbo ang ipinapahid mo sa mukha mo, binibitak bitak mo na lang ang yelo at dahan dahan mong tinutunaw sa pisngi mo? Ganun yung summer na yun. Mainit. Napakainit. Para kaming nakaipit sa kilikili ni Satanas.

Isang gabing walang magawa, nagtipon tipon ang tropa ko para magluto at pagsaluhan ang galing Cebung pasalubong namin. Danggit. At dahil napakaliit ng aking apartment (at nasabi ko na ba na mainit?), sa ilalim kami ng mga bituin kumain. Akala mo napakaganda ng scene na sinabi ko, pero sa totoo lang, dun kami sa tabi ng covered sewage system kumain nyan. Pero oo nga, pag tumingala at kalimutan mong imburnal yung tinatapakan namin, ang ganda talaga ng gabing yun. Sabagay, lahat naman ng gabi, maganda sa Yupi Elbi. Lalo na kung walang ulap masyado at kita mong halos magkadikit ang gilid ng bundok ng Makiling sa mga bituin. Kahit din naman may mga gabing mauulan at puno ng kidlat, iba ang gabi sa lugar na yun. Hanggang ngayon, wala pang nakakatumbas sa himbing ng mga tulog ko noong nasa Elbi pa ako.

Anyway, bago pa maging senti at tootsie tong post na to, matuloy tayo sa kuwento ko nung gabing kumain kami ng danggit ng mga tropa ko. Tapos na kaming kumain nun, at hayahay na kami sa pagtambay. Yung iba, nagyosi. Yung iba naman, walang humpay na nagpaypay ng sarili. Sa kuwentuhan namin, dumako ang usapan sa mga swimming pools ng Elbi, na kung tutuusin ay mga kapitbahay lang namin. National Capital ng swimming po ang Los BaƱos. Pero heto kami’t halos matuyo na parang danggit sa init ng panahon. Wala din naman kasi kaming pera noon na pang-renta ng resort. Hindi ko maalala kung saan kami humuhugot ng idea at guts, pero nung me magsabing pumuslit daw kami at mag “over the bakod” sa UPCO Country Club, wala ni isang huminde sa ideya.

Kung kaya’t alas dose ng madaling araw, para kamng tulisan ng mga tropa kong nagsimulang mag-hiking sa paanan ng Makiling, papunta sa kapita-pitagang Country Club ng UPCO para makigamit ng swimming pool nila. Ni hindi kami nagdala ng ekstrang damit. Lalong walang swimsuits. Kung ano ang suot namin nung kumain kami ng hapunan,yun pa rin ang suot namin papunta.

Kung meron man kaming konting takot sa gagawin namin, nawala lahat yun ng makita namin ang pool at ang mala-fog na itsura ng hangin sa paligid niya. Pero pag iniisip ko ngayon, bakit nga kaya me mala-usok na hangin doon nuon, eh napakainit nga? Anyways, wala kaming hinintay na sandali at agad kaming lumusong. Shempre pa, tahimik lang kami at baka kami mahuli ng mga nagrorondang pulis. Nagbabad din kami ng mga dalawang oras, at sa gitna ng mga pabulong na kwentuhan, at pigil na halakhakan, nakahanap ako at ng tropa ko ng panangga sa init sa pagkakaipit sa kilikili ng diablo.

Maya’t maya pa, mga alas tres ng umaga, narinig naming palapit ang motor ng mga nagroronda pulis. Shempre, tumahimik ang lahat at hinintay na lumampas lang sila. Sa isang di ko mapapatawad na pagkakataon, may isang ka-tropa kaming umihi sa pool nang mismong oras na yun. Magkakalapit lang ang pagkaka kumpol kumpol namin, bilang kami nga’y nagbubulungan ng kwentuhan. Pero naramdaman ko yung sirit ng mainit-init na likido sa binti ko at alam ko – ipupusta ko ang nanay ko – na merong umihi sa amin!

Nakalimutan na ng buong tropa na may papalapit na mga pulis. Naghiyawan, nagsilundagan at nagsipag-angatan ang lahat sa pool. Tamang –tama, tumigil ang ronda patrol sa me gate at tinutukan kami ng mga flashlight. Ay wala na, para kaming maliliit na ipis na nagtakbuhan sa kung saan-saang direksyon at naghihiyawan pa din dahil sa lintek na ihi sa pool.

Katakot takot na sermon ang napala namin sa mga pulis ng madaling araw na yun. Pero maliban sa ga-pisong peklat na gawa ng pagkakadapa ng isang tropa ko, ang tanging naiuwi namin nung madaling araw na yun, ay mga basang damit at limpak limpak na tawa at ala-ala.

Usapang Senglot

Bakit kaya tuwing naririnig ko ang YuPi Elbi, o makakita ng picture ng lugar na ito, o makarinig ng kanta na alam kong sumikat noong ako'y nakatira pa doon -- madalas akong mapatigil sa kahit anong ginagawa ko? Tapos mapapaisip, at dahan - dahang mapapangiti? Ilang taon na ba? Mahigit isang dekada na ang lumilipas. Marami sa mga kaibigan at kakilala at nakilala ko doon ay halos di ko na rin maalala ang mga pangalan.

Nung nasa college ako, halos lahat ng estudyante sa Yupi-Elbi, kilala ko. Hindi sa pangalan, pero sa mukha. Madalas noon, kapag maglakad ako sa Grove para kumain sa gabi, inaaabot ako ng siyam-siyam bago makarating sa favorite kong kainan naSizzler's or Bat Cave dahil maya't maya, may kinakawayan o kinakausap ako. Sa dami ng kilala ko, ni minsan, di ko naranasang mag isa sa Elbi kahit nung freshman ako, at 2 lang ang kakilala ko kasi batchmates ko sila sa Pisay.

8 yata ang naging orgs ko noon. Me Soro, Varsitarian, Acad Org, Dorm, Activist group, Theater, at kung ano ano pang grupo na nagbigay daan kung bakit feeling ko campus figure ako. Iniisip ko ngayon kung bakit napakaimportante sakin na maging sikat noong nasa college. Kung bakit gusto ko ng maraming kaibigan. Kung bakit halos lahat ng concerts at party noon gusto kong puntahan. At kung bakit lahat ng bar gusto kong sayawan at inuman.

Ilang taon lang naman ang lumipas pero ibang iba ako ngayon sa sarili ko noong college. Hindi ko naman minamasama ang mga naging karansan ko. Hindi rin naman ako biglang naging Shigi-Shigi (sorry, no offense meant sa mga Born Again). Pero alam mo yun, wala naman kasing definite turning point na nangyari sa buhay ko para sobrang magbago ako. Oo, lumipat ako at eventually grumaduate sa UP Diliman after a couple of years, pero even then, hindi naman nabago ang personalidad ko. O hindi nga ba?

Meron akong isang paboritong kwento from my Elbi college days na hanggang ngayon, pag kinukuwento ko sa mga bagong kaibigan ko, abot abot sa kisame ang tawa nila. One time, isang gabing senglot sa Leandro's Bar sa Grove, pauwi na kami ng mga kaibigan ko. Alas kuwatro ng umaga na halos patilaok na ang mga tandang. Sa sobrang amats namin, tinatamad na kaming maglakad pauwi. At may isang nagmarunong at nagsabing gumulong daw kami pauwi. Paki-imagine po ang itsura ng isang grupo ng mga lasing na gumugulong sa kalye mula Grove hanggang Catalan Compound. Nung araw na yon, nagising na lang ako ng puno ng gasgas ang siko ko at may lupa ang mga pisngi ko.

Minsan naman, nagpunta kami ng blocmates ko sa Tagaytay. Panahon ito na me isang "nagtanan" sa amin at kinailangang i-"chaperone" namin sila habang nagtatago sa tatay nung babae na heneral. So nag-overnight kami sa Tagaytay at lumaklak kami ng Gilbey's gin panlaban sa lamig. Masaya ang lakad na to. Nasa veranda kami, overlooking sa Taal Lake, malapit sa bangin. Etong susunod na parte ng kuwento, di ko na maalala personally at iknuwento na lang sa akin --- Masarap ang tawanan at kuwentuhan nang bigla daw ako tumayo at itapon ang Baliwag's lechon manok sa bangin. Tumahimik daw ang lahat at nung tinanong ko kung bakit, sabi nila, "Bakit mo tinapon ang pulutan natin?" Nagulat daw ako na pulutan pala ang naitapon ko, dahil akala ko yosi lang. At mabilis pa sa kindat na ako daw ay tumalon din sa bangin para habulin ang manok. Kinaumagahan, nagising ako sa me talahiban sa bandang ilalim malapit na mismo sa lake, na me malaking gasgas sa ilong.

Sa totoo lang, napakarami pang kuwentong lasingan ang pwedeng idagdag sa article na to. Pero pwede ko pa naman ikuwento sa ibang oras. For now, gusto ko lang balikan ang mga panahong wala akong pakialam sa buhay. Yun bang, kahit mamatay ka o masaktan, alam mong ibinigay mo ang lahat at humalakhak ka hanggang sa huli? Alam mo yung pakiramdam na wala ka nang isisigaw pa kasi naisigaw mo nalahat? Na wala ka nang itatawa pa kasi ramdam na ramdam mo yung saya? Yun bang sa kahuli-hulihang pagpikit mo, alam mong naging nasaya ka?

Tuwing nalalasing ako noon sa Yupi Elbi, yan ang nararamdaman ko.

Ang Asul na Kotseng Kuba

Sa college ako natutong mag-drive. Teka, mali ang pagkasabi ko. Nagdrive ako, pero di ako marunong.

Ang bestfriend ko, sis ang tawagan namin. Buong buhay niya, sa bulubunduking yupielbi siya tumira. Siya yung anak ng IC Director na blocmate ko. Dahil nakatira sina sis sa Pleasantville, doon sa malapit sa burol na me cross, na ang hirap puntahan na malayo - - pinapagamit sa kanya ng tatay niya ang ekstrang sasakyan nila sa bahay - ang makasaysayang volkswagen beetle na tinawag naming Bumble Blue.

Napakaingay ng kotseng yon. Nakaw eksena palagi. Bukod sa daig pa ang malanding inahin sa pagputak-putak ng makina niya, napakaingay din palagi ng mga sakay nito. Kadalasan, nagkakantahan, nagtatawanan at naghihiyawan ang mga pasahero ni Bumble Blue.

Isang gabing galing kami sa panonood ng play o concert (hindi ko na naman maalala! oh no, senior moment!), sakay sakay kami nina Ava (yung anak ng General na sosyalera na blocmate ko) at ni sis sa kotseng kuba. Ihahatid na nila dapat ako sa dorm bilang me curfew ako ng alas dose pero sa walang kadahi-dahilanang pangyayari, gusto raw ni Ava magdrive ng Voks. E di sige, drive -drive muna, joyride muna. So lipat ako sa likod, bahala na muna sila sa harap. E anak ng baka tong Voks, hindi trip ng sosyalera kong kaibigan dahil mahigpit daw ang manibela. So hagalpak lang ako. At sa sobrang tawa ko, sabi ni Ava, "Ang yabang mo, ikaw nga!"

Aba, aba, ako? Si Jing Trinidad, dine-DARE mo? Sure manure!

Hindi ko alam kung saan ako humuhugot ng lakas ng loob sa mahigit kumulang sanlibong dare na sinuong ko sa buhay ko. Kung kaya't kahit hindi pa ko nakakahawak ng manibela sa buong buhay ko, lumipat ako sa harap at pinaandar ang buong nagngangalit na makina ng pinakamaingay na kotse sa buong Laguna.

Hindi ko man lang inisip na kasalukuyan kaming nasa tuktok ng pinakamataas na bridge sa YuPi Elbi noon. Na halos di ko maaninag ang nasa harapan dahil wala naman halos poste ng ilaw sa campus at aandap-andap na ang headlights ng kubang kotse. At kahit hindi ko alam ang clutch sa break sa gas, napatakbo ko naman ng maayos si Bumble Blue. Yun nga lang, hanggang 2nd gear lang. Pwede na rin. Umuwi ako nung gabing yon na inlab sa voks ni sis.

Dito nagsimula ang love and hate relationship namin ng kotseng kuba.

Nalaman ko na ang susi ko sa kwarto ko sa dorm ay pwedeng gamitin para paandarin si Bumble Blue. At dahil tinuruan ako ni sis kung paano buksan ang pintuan ng kotse na hindi sinususian, madalas nagagamit ko siya (kahit minsan, o sige na nga, madalas - walang paalam). Madalas ginagamit ko ito pag alam kong me klase si sis na sunod-sunod para di niya halata na wala sa parking ang kotse niya. Ang problema, hanggang 2nd gear pa rin ang takbo ko. At sa totoo lang, di ako marunong mag-backing kasi di ko alam kung paano mag change ng reverse gear sa Voks (push down pala sa gear stick, aysus!)

Isang araw, nakita ko ang Voks sa parking malapit sa simbahan. Aah, nagsisimba si bispren. Sige matagal naman yung misa pag Linggo, hiramin ko muna. Tamang-tama, mesakit noon ang isang kaibigan ko at naka-confine sa Infirmary. Bilang nasa bundok ang infirmary ng Yupi Elbi, pwede nang dumalaw kasi me sasakyan ako. Yahoo!

Okay, so paakyat na ako papuntang forestry, ang dilim. Tsaka parang hirap si Bumble Blue na umakyat. Teka, babaan ko ang gear. Wrong move. Habang nakabitin ako paakyat ng bundok, namatayan ako ng makina at di ko na mapaandar na hindi dumadausdos pababa. Naku po, lagot. Naghintay pa ako ng ibang driver na tumulong sa kin para lang maiakyat ko ng maayos ang kotse.

Okay, fast forward tayo nang pauwi na --

Pabalik na ako noon sa parking ng simbahan nang makita ko mula sa malayo ang nanay ni sis na tila me hinahanap sa parking. Para siyang nawawala at medyo nagpapanic. Patay, yung nanay pala ni sis ang me dala ng kotse! Akala siguro niya na-carnap na! Eh hindi ko na maibalik yung kotse sa dating parking kse me ibang nag-park na. So ang ginawa ko, pinark ko na lang siya sa gilid ng kalye at kumaripas ako ng takbo.

Hindi ko alam kung paano nila nahanap yung kotse at paano inexplain ng nanay ni sis sa sarili niya kung paanong nakalipat ng parking ang Voks. Yung pagtakbo ko mula sa parking na yun ay punong-puno ng panic pero humahalakhak ako na parang baliw. Iba pala talaga ang thrill na nagagawa ng carnapping!

Ang nakakaloka, hindi yun ang huling pagnakaw ko kay Bumble Blue. Maraming beses pa. At may mga kasama pa ko sa munting sindikato ko. Abangan ang sunod na kuwento tungkol sa kotseng kuba!

Ober Da bakod at MB

Ibang klase ang mga skills na natutunan ko sa kolehiyo. Sa unang pagkakataon sa buong buhay ko, natuto akong umakyat at tumawid ng bakod sa madaling araw.

Nagsimula ang kuwentong ito sa pagkain. Madalas, kapag nagrereview kami ng mga dorm mates ko, kanya-kanyang dala kami ng chichirya sa me study area sa sala. Madalas mabilis maubos ang mga pagkain na to , lalu na't di naman talaga kami nakakapag-aral kundi nagdadaldalan. May mga bagong-kilalang dormies na rin ako nuon - sina Gagay at Armi, mga Vet Med students. Roommates sila, roommate ko naman si Sheila, yung babaeng kalbo.

Magmula nung lumipat kami sa 2nd floor, dumalang na rin ang uwi ni Sheila. Comm. Arts kasi siya, buong akala namin, puro practice sila ng mga class presentations. Hindi namin inakala na noong panahon na yun, nagsisimula na palang sumali si Sheila sa mga sorority at me frat man na umaali-aligid sa kanya. Paano namin nalaman? Itanong mo sa madaldal niyang diary na naiwan sa study area.

So ayun na nga, isang gabi, nagpapanggap kaming magreview nang maubusan kami ng Mr. Chips. Ang problema, may curfew sa dorm. Pagdating ng alas dose, sarado na lahat ng pwedeng isarado. Kung pwede sigurong ikandado pati ilong namin, kinandado na rin ng may-ari. Ganun kabaliw ang sistema nuon. Pero walang matigas na kandado sa kumakalam na tiyan. Nanduon nuon si Sheila kasama namin - at ang sabi, madali lang daw solusyunan ang problema. Ako at ang Gagay at Armi, ubod ng inosenteng nagtanong, "Paano?"

Noon at doon ko nasubok kung paanong magbalanse ng puwet para di tamaan ng mga nakausling dinikdik na bote ng softdrinks. Na-perpekto ko din kung paano lumundag ng patalikod para hindi ko matamaan ang pinakamamahal na santan ng aming dorm manager. Higit sa lahat, dito ko natutunan, na masarap palang magpakalaya sa gabi, maglakad sa kawalan. At kumain sa Minute Burger.

Minute Burger.

Dito ko unang naranasan kung paanong uminom ng hot choco dahan-dahan para di agad maubos at para di agad paalisin ng mga nagtitinda. Dito ko rin napatunayan, na sa kolehiyo, matututo ka talagang magpuyat hindi dahil gusto mong mag-aral at magpakadalubhasa, kundi dahil ang sarap dumaldal nang dumaldal nang dumaldal. Tungkol saan? Sa buhay. Sa buhay ng iba. Sa buhay mo noon, Sa buhay mo sana. Kung anu-ano. Sari-sari. Hindi kami nauubusan.

Paglaon, naging paboritong tambayan namin ang MB (Minute Burger). Palibhasa noon, wala namang Starbucks o McDo na 24/7. Meron na yatang Wendy's noon sa Crossing, pero bukod sa mahal, mamamasahe pa. Ok na sa MB, kait papano, nakakabili kami ng hot choco, pampainit ng tyan. Dito na rin nabuo ang napakasayang pagkakaibigan sa bloc ko. Bloc 36, batch 96. AgChem. Feeling elite dahil wala kaming katulad na ibang bloc. Sa totoo lang, kaya lang naman kami naging elite eh dahil walang pumipili ng course na yun. "AgChem, waats daat?"

Punong-puno ng irony ang bloc ko. May sosyalerang galing St.Scho na anak ng Coronel (na naging General after a few years). Meron ding anak ng IC Director na akala mo fairytale ang buhay. May mga Batangueno na samu't sari ang kuwento sa pamilya. May mga veki na noon ay nasa closet pa. May shomboy. May probinsyana't probinsyano. Iba't-ibang mukha ng Isko at Iska, 'ika nga.

Kung susumahin ko ang mga gabing nag-ober da bakod ako papuntang MB, kukulangin ako ng salita sa pagkukuwento. Kapag sinusubukan kong alalahanin ang mga panahong iyon, naniningkit ang mata ko dahil hindi ko masyadong maalala ang mga detalye. Ang sigurado ako, noon ako pinakamasaya. Dun ko naranasan na humahalakhak hanggang maluha't maihi, bawat oras, gabi-gabi.

Kapag dumadalaw ako ngayon sa Yupi-Elbi at nakikita ko ang MB, nangingiti ako. Ilang dekada lamang ang nakalipas, dito ako totoong natuto sa buhay. Sa totoo lang, tama ang nagsabing, "wala sa classroom ang pagkatuto". Sabi ng taong yun, "nasa labas daw." Tama naman. Sa kaso ko, sa Minute Burger, sa labas ng Yupi-Elbi.

Penthouse

Sa limang taong inilagi ko sa Elbi, halos di ko mabilang kung ilang beses akong nagpalipat-lipat ng bahay. Bawat lipatan, may kadikit na kwento.

Freshman. Pagkababang pagkababa namin ng nanay ko mula sa Tritran bus, nagtanong agad kami kung paano pumunta ng Women's Dorm. Ang pagkakaalam kasi namin, may nakareserve na slot para sa akin doon, ibinigay ng batchmate ko dati sa elementary kasi di na daw niya kukunin. 1st mistake. Hindi man lang kami nakapag-verify sa dorm manager kung transferrable ba ang reservation. Hindi daw pala pwede. Naku nanay, sa'n nako titira?

Halos mangiyak ngiyak ang nanay ko sa pakikipag-usap sa dorm manager noon. Na halos ikinainis ko na rin dahil hindi naman niya kami pinapakinggan. So sabi ko, tara na, nanay. Maghanap na lang tayo ng ibang dorm dyan sa labas. 2nd mistake. Dapat noon pa, natuto na akong ipaglaban ang gusto ko.

Anyway, napadpad kami ng Ilag's, sa Grove (sa likod ng store nina Mang Pogi at Aling Sexy) pero hindi ko nagustuhan yung mga pinuntahan namin. Hindi ko alam kung bakit umayaw ako pero siguro sa loob-loob ko, naghahanap ako ng parang dorm ko dati sa Pisay. Oo, galing ako sa Pisay. Philippine Science High School. Kung paanong napadpad ako sa bulubunduking yupi-elbi ay isang malaking palaisipan sa akin noon.

Until finally, napunta kami sa Kanluran, malapit sa Raymundo gate. May mga nakapaskil na 'for rent' sa puting pader ng isang lumang building. Nagtanung-tanong kami at nalaman namin na pinapa-rent daw ung 2nd floor tsaka penthouse. Nung masilip ko ang penthouse, alam ko na agad na doon ko gustong tumira. Hindi ko alam, pero di naman ganun ka-ganda yung lugar. Sa totoo lang, parang overpriced pa nga ang singil nilang 700/month. Pero natuwa ako sa penthouse -  abot-kamay ko lang ang bunga ng santol na nasa tabi ng building. Pwede akong tumambay sa bubong ng 2nd floor. Napakalakas ng hangin doon at tanaw ko ang buong paligid. Done deal, nag-down na kami ng nanay ko para sa 2 months deposit at 1 month advance.

Fast forward tayo ng konti ng ilang linggo. Tapos na ang registration at enrollment noon. Na-meet ko na ang mga blocmates ko at mga roommate ko sa penthouse. Masaya ako. Kachokaran ko ang isa sa roommate kong astig. Babaeng skinhead na mahilig magyosi. Si Sheila. Madalas kaming tumambay sa bubong. Siya, nagyoyosi, ako dumadaldal. Kalaunan, sabay na kaming nagyoyosi.Feeling ko parang grownup na grownup na ko noon. Hahaha.

Madalas ako tumambay sa penthouse pag break ko sa klase. Ang sarap ng hangin, akala mo dinuduyan ka. Madalas, nakakatulog ako lalo na sa hapon at nale-late sa klase lalo na sa last class ko tuwing MWF - Math 17. Teacher ko pa naman nuon si Prof. Panopio - kilalang terror sa Math. Pero kahit lagi akong late noon, at kahit sa likod ako nakaupo, lagi akong pasado kay Panopio. Madalas sakin din kumukopya ng sagot sa problem set ang blocmates ko. Paano, tapos ko na lahat pag-aralan to, highschool palang. Ang yabang ko noon. Mayabang pero pasimple lang, haha.

Isang araw, panahon ng noon ng tag-ulan - sabagay, buong taon naman yata tag-ulan sa Elbi - halos mabingi ako sa lakas ng kulog. Akala mo rumaragasang gumugulong ang mga bato galing sa langit. Siguro ganun na nga, kasi bumigay ang bubong na penthouse namin. Binaha ang kuwarto ko at nabasa ang ilang gamit namin. Sinabihan kami ng may-ari na mahal daw magpaayos ng bubong kaya lumipat na daw kami sa 2nd floor. Doon natapos ang masasayang araw ko sa penthouse.

Ibang kuwento naman ang 2nd floor.

Abangan.






18 Years Ago

Mula sa loob ng Tritran bus na sinasakyan ko, una kong nakita ang paanan ng Mt. Makiling. Tanda ko pa na nagulat ako dahil buong akala ko asul ang mga bundok - berde pala. Nakakatawa. Hindi ko inakalang mapapadpad ako sa lugar kung saan ko sisimulan ang mga pangarap ko. Dito ko rin itinapon lahat ng mga pangarap na ito. Pero mamaya na yan. Mamaya na ang kuwento tungkol dyan.

Mula sa bus, nakita ko kung paanong magpa-ikot ikot ang daan, paakyat, pababa, na akala mo roller coaster. Natanaw ko din ang walang katapusang signages ng mga resorts for rent, private pool, hotspring, at mga kung anu-anong kiyemeng pang hila ng customer. Ang pinaka-memorable sight na natatandaan ko sa unang biyahe ko dito ay ang mga batang lumalangoy sa may ilalim ng tulay, sa gilid ng daan. Ang saya lang, ibang iba sa inaasahan ko.

Yupi Elbi. Kasama ko ang nanay ko sa unang araw ko dito. Fast forward to 5 years later, tatay ko naman ang sumundo nung huling araw ko dito. How appropriate, hahaha. Ilang taon ko ding isinantabi na magsulat tungkol sa Yupi Elbi at sa naging buhay ko dito. Hindi dahil umiiwas ako o tinatakasan ang lahat ng nangyari. Sa totoo lang, natakot ako. Natakot akong hindi ko maisulat ng tama, ng maganda, ang isa sa mga pinakamagandang nangyari sa buhay ko. Pero ngayon, alas-tres ng umaga, makalipas ang 18 years, eto ako't parang nabuhusan ng malamig na tubig at handa nang magkuwento.

Halika, samahan mo ako sa memory lane. Minsan, tatawa tayo, minsan iiyak. Siguro kadalasan, mapapatunganga at mangingiti. Yun bang akala mo andun ka sa nakaraan pero maalala mo ang tagal na pala nun?

18 years. Hindi biro ang tagal. Pero parang ang bilis pa din. Masanay ka na sa akin. Minsan magulo ako magkuwento.

Taralets!