Usapang Senglot

Bakit kaya tuwing naririnig ko ang YuPi Elbi, o makakita ng picture ng lugar na ito, o makarinig ng kanta na alam kong sumikat noong ako'y nakatira pa doon -- madalas akong mapatigil sa kahit anong ginagawa ko? Tapos mapapaisip, at dahan - dahang mapapangiti? Ilang taon na ba? Mahigit isang dekada na ang lumilipas. Marami sa mga kaibigan at kakilala at nakilala ko doon ay halos di ko na rin maalala ang mga pangalan.

Nung nasa college ako, halos lahat ng estudyante sa Yupi-Elbi, kilala ko. Hindi sa pangalan, pero sa mukha. Madalas noon, kapag maglakad ako sa Grove para kumain sa gabi, inaaabot ako ng siyam-siyam bago makarating sa favorite kong kainan naSizzler's or Bat Cave dahil maya't maya, may kinakawayan o kinakausap ako. Sa dami ng kilala ko, ni minsan, di ko naranasang mag isa sa Elbi kahit nung freshman ako, at 2 lang ang kakilala ko kasi batchmates ko sila sa Pisay.

8 yata ang naging orgs ko noon. Me Soro, Varsitarian, Acad Org, Dorm, Activist group, Theater, at kung ano ano pang grupo na nagbigay daan kung bakit feeling ko campus figure ako. Iniisip ko ngayon kung bakit napakaimportante sakin na maging sikat noong nasa college. Kung bakit gusto ko ng maraming kaibigan. Kung bakit halos lahat ng concerts at party noon gusto kong puntahan. At kung bakit lahat ng bar gusto kong sayawan at inuman.

Ilang taon lang naman ang lumipas pero ibang iba ako ngayon sa sarili ko noong college. Hindi ko naman minamasama ang mga naging karansan ko. Hindi rin naman ako biglang naging Shigi-Shigi (sorry, no offense meant sa mga Born Again). Pero alam mo yun, wala naman kasing definite turning point na nangyari sa buhay ko para sobrang magbago ako. Oo, lumipat ako at eventually grumaduate sa UP Diliman after a couple of years, pero even then, hindi naman nabago ang personalidad ko. O hindi nga ba?

Meron akong isang paboritong kwento from my Elbi college days na hanggang ngayon, pag kinukuwento ko sa mga bagong kaibigan ko, abot abot sa kisame ang tawa nila. One time, isang gabing senglot sa Leandro's Bar sa Grove, pauwi na kami ng mga kaibigan ko. Alas kuwatro ng umaga na halos patilaok na ang mga tandang. Sa sobrang amats namin, tinatamad na kaming maglakad pauwi. At may isang nagmarunong at nagsabing gumulong daw kami pauwi. Paki-imagine po ang itsura ng isang grupo ng mga lasing na gumugulong sa kalye mula Grove hanggang Catalan Compound. Nung araw na yon, nagising na lang ako ng puno ng gasgas ang siko ko at may lupa ang mga pisngi ko.

Minsan naman, nagpunta kami ng blocmates ko sa Tagaytay. Panahon ito na me isang "nagtanan" sa amin at kinailangang i-"chaperone" namin sila habang nagtatago sa tatay nung babae na heneral. So nag-overnight kami sa Tagaytay at lumaklak kami ng Gilbey's gin panlaban sa lamig. Masaya ang lakad na to. Nasa veranda kami, overlooking sa Taal Lake, malapit sa bangin. Etong susunod na parte ng kuwento, di ko na maalala personally at iknuwento na lang sa akin --- Masarap ang tawanan at kuwentuhan nang bigla daw ako tumayo at itapon ang Baliwag's lechon manok sa bangin. Tumahimik daw ang lahat at nung tinanong ko kung bakit, sabi nila, "Bakit mo tinapon ang pulutan natin?" Nagulat daw ako na pulutan pala ang naitapon ko, dahil akala ko yosi lang. At mabilis pa sa kindat na ako daw ay tumalon din sa bangin para habulin ang manok. Kinaumagahan, nagising ako sa me talahiban sa bandang ilalim malapit na mismo sa lake, na me malaking gasgas sa ilong.

Sa totoo lang, napakarami pang kuwentong lasingan ang pwedeng idagdag sa article na to. Pero pwede ko pa naman ikuwento sa ibang oras. For now, gusto ko lang balikan ang mga panahong wala akong pakialam sa buhay. Yun bang, kahit mamatay ka o masaktan, alam mong ibinigay mo ang lahat at humalakhak ka hanggang sa huli? Alam mo yung pakiramdam na wala ka nang isisigaw pa kasi naisigaw mo nalahat? Na wala ka nang itatawa pa kasi ramdam na ramdam mo yung saya? Yun bang sa kahuli-hulihang pagpikit mo, alam mong naging nasaya ka?

Tuwing nalalasing ako noon sa Yupi Elbi, yan ang nararamdaman ko.

No comments:

Post a Comment