Ang Asul na Kotseng Kuba

Sa college ako natutong mag-drive. Teka, mali ang pagkasabi ko. Nagdrive ako, pero di ako marunong.

Ang bestfriend ko, sis ang tawagan namin. Buong buhay niya, sa bulubunduking yupielbi siya tumira. Siya yung anak ng IC Director na blocmate ko. Dahil nakatira sina sis sa Pleasantville, doon sa malapit sa burol na me cross, na ang hirap puntahan na malayo - - pinapagamit sa kanya ng tatay niya ang ekstrang sasakyan nila sa bahay - ang makasaysayang volkswagen beetle na tinawag naming Bumble Blue.

Napakaingay ng kotseng yon. Nakaw eksena palagi. Bukod sa daig pa ang malanding inahin sa pagputak-putak ng makina niya, napakaingay din palagi ng mga sakay nito. Kadalasan, nagkakantahan, nagtatawanan at naghihiyawan ang mga pasahero ni Bumble Blue.

Isang gabing galing kami sa panonood ng play o concert (hindi ko na naman maalala! oh no, senior moment!), sakay sakay kami nina Ava (yung anak ng General na sosyalera na blocmate ko) at ni sis sa kotseng kuba. Ihahatid na nila dapat ako sa dorm bilang me curfew ako ng alas dose pero sa walang kadahi-dahilanang pangyayari, gusto raw ni Ava magdrive ng Voks. E di sige, drive -drive muna, joyride muna. So lipat ako sa likod, bahala na muna sila sa harap. E anak ng baka tong Voks, hindi trip ng sosyalera kong kaibigan dahil mahigpit daw ang manibela. So hagalpak lang ako. At sa sobrang tawa ko, sabi ni Ava, "Ang yabang mo, ikaw nga!"

Aba, aba, ako? Si Jing Trinidad, dine-DARE mo? Sure manure!

Hindi ko alam kung saan ako humuhugot ng lakas ng loob sa mahigit kumulang sanlibong dare na sinuong ko sa buhay ko. Kung kaya't kahit hindi pa ko nakakahawak ng manibela sa buong buhay ko, lumipat ako sa harap at pinaandar ang buong nagngangalit na makina ng pinakamaingay na kotse sa buong Laguna.

Hindi ko man lang inisip na kasalukuyan kaming nasa tuktok ng pinakamataas na bridge sa YuPi Elbi noon. Na halos di ko maaninag ang nasa harapan dahil wala naman halos poste ng ilaw sa campus at aandap-andap na ang headlights ng kubang kotse. At kahit hindi ko alam ang clutch sa break sa gas, napatakbo ko naman ng maayos si Bumble Blue. Yun nga lang, hanggang 2nd gear lang. Pwede na rin. Umuwi ako nung gabing yon na inlab sa voks ni sis.

Dito nagsimula ang love and hate relationship namin ng kotseng kuba.

Nalaman ko na ang susi ko sa kwarto ko sa dorm ay pwedeng gamitin para paandarin si Bumble Blue. At dahil tinuruan ako ni sis kung paano buksan ang pintuan ng kotse na hindi sinususian, madalas nagagamit ko siya (kahit minsan, o sige na nga, madalas - walang paalam). Madalas ginagamit ko ito pag alam kong me klase si sis na sunod-sunod para di niya halata na wala sa parking ang kotse niya. Ang problema, hanggang 2nd gear pa rin ang takbo ko. At sa totoo lang, di ako marunong mag-backing kasi di ko alam kung paano mag change ng reverse gear sa Voks (push down pala sa gear stick, aysus!)

Isang araw, nakita ko ang Voks sa parking malapit sa simbahan. Aah, nagsisimba si bispren. Sige matagal naman yung misa pag Linggo, hiramin ko muna. Tamang-tama, mesakit noon ang isang kaibigan ko at naka-confine sa Infirmary. Bilang nasa bundok ang infirmary ng Yupi Elbi, pwede nang dumalaw kasi me sasakyan ako. Yahoo!

Okay, so paakyat na ako papuntang forestry, ang dilim. Tsaka parang hirap si Bumble Blue na umakyat. Teka, babaan ko ang gear. Wrong move. Habang nakabitin ako paakyat ng bundok, namatayan ako ng makina at di ko na mapaandar na hindi dumadausdos pababa. Naku po, lagot. Naghintay pa ako ng ibang driver na tumulong sa kin para lang maiakyat ko ng maayos ang kotse.

Okay, fast forward tayo nang pauwi na --

Pabalik na ako noon sa parking ng simbahan nang makita ko mula sa malayo ang nanay ni sis na tila me hinahanap sa parking. Para siyang nawawala at medyo nagpapanic. Patay, yung nanay pala ni sis ang me dala ng kotse! Akala siguro niya na-carnap na! Eh hindi ko na maibalik yung kotse sa dating parking kse me ibang nag-park na. So ang ginawa ko, pinark ko na lang siya sa gilid ng kalye at kumaripas ako ng takbo.

Hindi ko alam kung paano nila nahanap yung kotse at paano inexplain ng nanay ni sis sa sarili niya kung paanong nakalipat ng parking ang Voks. Yung pagtakbo ko mula sa parking na yun ay punong-puno ng panic pero humahalakhak ako na parang baliw. Iba pala talaga ang thrill na nagagawa ng carnapping!

Ang nakakaloka, hindi yun ang huling pagnakaw ko kay Bumble Blue. Maraming beses pa. At may mga kasama pa ko sa munting sindikato ko. Abangan ang sunod na kuwento tungkol sa kotseng kuba!

No comments:

Post a Comment