Ober Da bakod at MB

Ibang klase ang mga skills na natutunan ko sa kolehiyo. Sa unang pagkakataon sa buong buhay ko, natuto akong umakyat at tumawid ng bakod sa madaling araw.

Nagsimula ang kuwentong ito sa pagkain. Madalas, kapag nagrereview kami ng mga dorm mates ko, kanya-kanyang dala kami ng chichirya sa me study area sa sala. Madalas mabilis maubos ang mga pagkain na to , lalu na't di naman talaga kami nakakapag-aral kundi nagdadaldalan. May mga bagong-kilalang dormies na rin ako nuon - sina Gagay at Armi, mga Vet Med students. Roommates sila, roommate ko naman si Sheila, yung babaeng kalbo.

Magmula nung lumipat kami sa 2nd floor, dumalang na rin ang uwi ni Sheila. Comm. Arts kasi siya, buong akala namin, puro practice sila ng mga class presentations. Hindi namin inakala na noong panahon na yun, nagsisimula na palang sumali si Sheila sa mga sorority at me frat man na umaali-aligid sa kanya. Paano namin nalaman? Itanong mo sa madaldal niyang diary na naiwan sa study area.

So ayun na nga, isang gabi, nagpapanggap kaming magreview nang maubusan kami ng Mr. Chips. Ang problema, may curfew sa dorm. Pagdating ng alas dose, sarado na lahat ng pwedeng isarado. Kung pwede sigurong ikandado pati ilong namin, kinandado na rin ng may-ari. Ganun kabaliw ang sistema nuon. Pero walang matigas na kandado sa kumakalam na tiyan. Nanduon nuon si Sheila kasama namin - at ang sabi, madali lang daw solusyunan ang problema. Ako at ang Gagay at Armi, ubod ng inosenteng nagtanong, "Paano?"

Noon at doon ko nasubok kung paanong magbalanse ng puwet para di tamaan ng mga nakausling dinikdik na bote ng softdrinks. Na-perpekto ko din kung paano lumundag ng patalikod para hindi ko matamaan ang pinakamamahal na santan ng aming dorm manager. Higit sa lahat, dito ko natutunan, na masarap palang magpakalaya sa gabi, maglakad sa kawalan. At kumain sa Minute Burger.

Minute Burger.

Dito ko unang naranasan kung paanong uminom ng hot choco dahan-dahan para di agad maubos at para di agad paalisin ng mga nagtitinda. Dito ko rin napatunayan, na sa kolehiyo, matututo ka talagang magpuyat hindi dahil gusto mong mag-aral at magpakadalubhasa, kundi dahil ang sarap dumaldal nang dumaldal nang dumaldal. Tungkol saan? Sa buhay. Sa buhay ng iba. Sa buhay mo noon, Sa buhay mo sana. Kung anu-ano. Sari-sari. Hindi kami nauubusan.

Paglaon, naging paboritong tambayan namin ang MB (Minute Burger). Palibhasa noon, wala namang Starbucks o McDo na 24/7. Meron na yatang Wendy's noon sa Crossing, pero bukod sa mahal, mamamasahe pa. Ok na sa MB, kait papano, nakakabili kami ng hot choco, pampainit ng tyan. Dito na rin nabuo ang napakasayang pagkakaibigan sa bloc ko. Bloc 36, batch 96. AgChem. Feeling elite dahil wala kaming katulad na ibang bloc. Sa totoo lang, kaya lang naman kami naging elite eh dahil walang pumipili ng course na yun. "AgChem, waats daat?"

Punong-puno ng irony ang bloc ko. May sosyalerang galing St.Scho na anak ng Coronel (na naging General after a few years). Meron ding anak ng IC Director na akala mo fairytale ang buhay. May mga Batangueno na samu't sari ang kuwento sa pamilya. May mga veki na noon ay nasa closet pa. May shomboy. May probinsyana't probinsyano. Iba't-ibang mukha ng Isko at Iska, 'ika nga.

Kung susumahin ko ang mga gabing nag-ober da bakod ako papuntang MB, kukulangin ako ng salita sa pagkukuwento. Kapag sinusubukan kong alalahanin ang mga panahong iyon, naniningkit ang mata ko dahil hindi ko masyadong maalala ang mga detalye. Ang sigurado ako, noon ako pinakamasaya. Dun ko naranasan na humahalakhak hanggang maluha't maihi, bawat oras, gabi-gabi.

Kapag dumadalaw ako ngayon sa Yupi-Elbi at nakikita ko ang MB, nangingiti ako. Ilang dekada lamang ang nakalipas, dito ako totoong natuto sa buhay. Sa totoo lang, tama ang nagsabing, "wala sa classroom ang pagkatuto". Sabi ng taong yun, "nasa labas daw." Tama naman. Sa kaso ko, sa Minute Burger, sa labas ng Yupi-Elbi.

No comments:

Post a Comment