Ang Swimming sa UPCO

Manipis lang ang naging pagitan ng mga taon sa buong anim na taon ko sa kolehiyo. Dumaan ang maraming bakasyon na halos hindi ko namamalayan dahil sa totoo lang, mas nag-eenjoy ako pag me pasok. Although hindi naman talaga ako pumapasok. Pero mamaya ko na ikukuwento yan. Naalala ko lang bigla yung huling summer ko sa Elbi. Hindi ako umuwi sa probinsya namin noon. Nag-stay ako sa campus, sinabing magsu-summer classes, pero ang totoo, ayoko lang muna talaga umuwi sa amin.

Summer of ’01. Ang cool lang pakinggan, kala mo title ng kanta. Pero sa totoo lang, ang init ng summer na yun. Ibang klase. Yun bang kahit di ka gumagalaw, wala ka na lang ibang naiisip kundi magbuhos ng isang baldeng ice tubig? Yung tipong kesa pulbo ang ipinapahid mo sa mukha mo, binibitak bitak mo na lang ang yelo at dahan dahan mong tinutunaw sa pisngi mo? Ganun yung summer na yun. Mainit. Napakainit. Para kaming nakaipit sa kilikili ni Satanas.

Isang gabing walang magawa, nagtipon tipon ang tropa ko para magluto at pagsaluhan ang galing Cebung pasalubong namin. Danggit. At dahil napakaliit ng aking apartment (at nasabi ko na ba na mainit?), sa ilalim kami ng mga bituin kumain. Akala mo napakaganda ng scene na sinabi ko, pero sa totoo lang, dun kami sa tabi ng covered sewage system kumain nyan. Pero oo nga, pag tumingala at kalimutan mong imburnal yung tinatapakan namin, ang ganda talaga ng gabing yun. Sabagay, lahat naman ng gabi, maganda sa Yupi Elbi. Lalo na kung walang ulap masyado at kita mong halos magkadikit ang gilid ng bundok ng Makiling sa mga bituin. Kahit din naman may mga gabing mauulan at puno ng kidlat, iba ang gabi sa lugar na yun. Hanggang ngayon, wala pang nakakatumbas sa himbing ng mga tulog ko noong nasa Elbi pa ako.

Anyway, bago pa maging senti at tootsie tong post na to, matuloy tayo sa kuwento ko nung gabing kumain kami ng danggit ng mga tropa ko. Tapos na kaming kumain nun, at hayahay na kami sa pagtambay. Yung iba, nagyosi. Yung iba naman, walang humpay na nagpaypay ng sarili. Sa kuwentuhan namin, dumako ang usapan sa mga swimming pools ng Elbi, na kung tutuusin ay mga kapitbahay lang namin. National Capital ng swimming po ang Los Baños. Pero heto kami’t halos matuyo na parang danggit sa init ng panahon. Wala din naman kasi kaming pera noon na pang-renta ng resort. Hindi ko maalala kung saan kami humuhugot ng idea at guts, pero nung me magsabing pumuslit daw kami at mag “over the bakod” sa UPCO Country Club, wala ni isang huminde sa ideya.

Kung kaya’t alas dose ng madaling araw, para kamng tulisan ng mga tropa kong nagsimulang mag-hiking sa paanan ng Makiling, papunta sa kapita-pitagang Country Club ng UPCO para makigamit ng swimming pool nila. Ni hindi kami nagdala ng ekstrang damit. Lalong walang swimsuits. Kung ano ang suot namin nung kumain kami ng hapunan,yun pa rin ang suot namin papunta.

Kung meron man kaming konting takot sa gagawin namin, nawala lahat yun ng makita namin ang pool at ang mala-fog na itsura ng hangin sa paligid niya. Pero pag iniisip ko ngayon, bakit nga kaya me mala-usok na hangin doon nuon, eh napakainit nga? Anyways, wala kaming hinintay na sandali at agad kaming lumusong. Shempre pa, tahimik lang kami at baka kami mahuli ng mga nagrorondang pulis. Nagbabad din kami ng mga dalawang oras, at sa gitna ng mga pabulong na kwentuhan, at pigil na halakhakan, nakahanap ako at ng tropa ko ng panangga sa init sa pagkakaipit sa kilikili ng diablo.

Maya’t maya pa, mga alas tres ng umaga, narinig naming palapit ang motor ng mga nagroronda pulis. Shempre, tumahimik ang lahat at hinintay na lumampas lang sila. Sa isang di ko mapapatawad na pagkakataon, may isang ka-tropa kaming umihi sa pool nang mismong oras na yun. Magkakalapit lang ang pagkaka kumpol kumpol namin, bilang kami nga’y nagbubulungan ng kwentuhan. Pero naramdaman ko yung sirit ng mainit-init na likido sa binti ko at alam ko – ipupusta ko ang nanay ko – na merong umihi sa amin!

Nakalimutan na ng buong tropa na may papalapit na mga pulis. Naghiyawan, nagsilundagan at nagsipag-angatan ang lahat sa pool. Tamang –tama, tumigil ang ronda patrol sa me gate at tinutukan kami ng mga flashlight. Ay wala na, para kaming maliliit na ipis na nagtakbuhan sa kung saan-saang direksyon at naghihiyawan pa din dahil sa lintek na ihi sa pool.

Katakot takot na sermon ang napala namin sa mga pulis ng madaling araw na yun. Pero maliban sa ga-pisong peklat na gawa ng pagkakadapa ng isang tropa ko, ang tanging naiuwi namin nung madaling araw na yun, ay mga basang damit at limpak limpak na tawa at ala-ala.

1 comment: